Naitala sa Tabuk City ang pinakamataas na bilang ng kaso ng human immunodeficiency virus and acquired immunodeficiency syndrome (HIV/AIDS) sa Kalinga.
Sinabi ni HIV/Coordinator Flordeliza Abay, mayroon na silang naitala na 58 HIV/AIDS cases sa Kalinga buhat nang maitala ang kauna-unahang pasyente noong 2012.
Ayon kay Abay, karamihan sa mga kaso ay naitala sa Tabuk City na 49.
Ang iba pang mga kaso ay naitala sa Pinukpuk na may apat, tatlo sa Rizal, isa sa Tanudan, at ang isa pa ay hindi na tinukoy ang bayan.
Sa 58 na kaso, 52 ay lalaki habang anim naman ang babae, kung saan sa 29 na kaso ay nasa age group 25 hanggang 34, ang 18 kaso ay 15 hanggang 24 age group, habang ang 11 kaso ay 35 hanggang 49 age group.
Sinabi ni Abay na ang 33 kaso ay nailipat sa pamamagitan ng pagtatalik ng kapwa lalake, 15 kaso ang mga lalake na nakipagtalik sa mga babae, at 10 ay mga lalake na nakipagtalik kapwa sa mga babae at lalake.
Ayon kay Abay, isa ang namatay dahil sa nasabing sakit, habang 45 ang sumasailalim sa gamutan.
Dahil dito, sinabi ni Abay na patuloy ang ginagawang information education campaign ng Kalinga Provincial Health Office lalo na sa mga paaralan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV/AIDS sa lalawigan.