Patay ang tatlong katao matapos malunod sa rumaragasang tubig dulot ng low pressure area (LPA) at Habagat na tumama sa bahagi ng Mindanao.
Base sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga biktima ay pawang mga residente ng Barangay Camuayan sa bayan ng Balingasag, Misamis Oriental.
Tinangay ang mga ito ng malakas na agos ng tubig habang tinatawid ang isang umapaw na spillway sa gitna ng mga pag-ulan.
Bukod sa mga nasawi, aabot na sa 5,156 pamilya o katumbas ng 17,516 mga indibidwal mula sa Regions 3, 7, 9, 10, 11, 12, at BARMM ang apektado ng masamang panahon.
Tinatayang 1,000 katao o humigit-kumulang 200 pamilya ang patuloy na nanunuluyan sa mga evacuation center.
Samantala, nagpapatuloy ang pamahalaan sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta kung saan patuloy ring nakatutok ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya sa pagbibigay ng relief goods at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta.