Nag-alok ang Ukraine sa Russia ng tigil-putukan sa Black Sea upang ihinto ang mga pag-atake sa mga sibilyang target, kasunod ng tumitinding pag-atake sa mga barko at daungan na nagdudulot ng pangamba sa suplay ng pagkain sa mundo.

Ayon sa isang source na pamilyar sa usapin, ipinadala ng Kyiv ang alok sa pamamagitan ng isang third party at hinihintay pa ang tugon ng Moscow.

Kapwa pangunahing manlalaro sa pandaigdigang agricultural market ang Russia at Ukraine at kapwa nila inaakusahan ang isa’t isa sa tumitinding pag-atake sa mga barkong ginagamit sa pag-export ng produkto.

Napilitang gumamit ang Ukraine ng alternatibong ruta sa pagpapadala matapos umiwas ang ilang shipowners sa mga daungan sa Odesa dahil sa sunod-sunod na pag-atake ng Russia.

Samantala, pansamantalang sinuspinde rin ng Russia ang operasyon sa tatlong terminal sa Novorossiysk matapos ang pag-atake ng Ukraine.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa datos, bumagsak ng 76% year-on-year ngayong Agosto ang grain exports ng Ukraine, na nagdudulot ng pangamba sa ekonomiya nito at sa pandaigdigang suplay ng pagkain.