Hindi na palalawigin pa ng Commission On Elections (COMELEC) ang May 18, 2026 deadline ng voter registration para sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) elections sa November 02, ngayong taon.

Sa kanyang pagdalo sa inauguration ng Regional Integrated Field Office 02 sa Brgy Carig Sur, Tuguegfarao City, binigyang diin ni COMELEC Chairman George Garcia na mahalaga ang pagpaparehistro, lalo na para sa mga edad 15 hanggang 17.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit tatlong milyong aplikasyon na ang naproseso ng komisyon mula nang ipagpatuloy ang voter registration noong Oktubre 20 noong nakaraan taon.

Tinataya namang aabot sa 70 milyong botante ang inaasahang boboto, mas mataas kumpara sa dating 68 milyon, kung saan 25 milyon ang inaasahang SK voters na may edad 15 hanggang 30.

Dagdag pa ni Garcia, mananatiling manual ang eleksyon sa BSKE at ang canvassing ay gagawin mismo sa paaralan.

-- ADVERTISEMENT --

Naimprenta na rin ang lahat ng balota sa National Printing Office at kasalukuyan pa ang verification process.

Nagbabala rin si Garcia sa mga kandidato laban sa premature campaigning na maaaring mapatawan ng disqualification at election offense ang mga lalabag gaya ng vote buying, paggamit ng pondo ng bayan para sa kampanya, at pamamahagi ng ayuda kapag malapit na ang eleksyon.

Ang campaign spending limit ay P3 bawat botante.

Hanggang May 18, 2026 ang registration para sa BSKE.

Samantala, hinimok ni Garcia ang Kongreso na linawin ang ilang probisyon ng Automated Election Law bilang paghahanda sa 2028 elections.