Binatikos ni Bise Presidente Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang administrasyon dahil umano sa kakulangan ng malinaw na plano at direksyon sa pagtugon sa mga pandaigdigang isyu tulad ng digmaan sa Iran, bagong taripa ng Estados Unidos, at pagbabago ng klima.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga Pilipino sa Melbourne, Australia, sinabi ni Duterte na “walang plano, walang direksyon” ang Gabinete, batay sa kanyang karanasan bilang dating kalihim ng edukasyon mula 2022 hanggang kalagitnaan ng 2024.

Giit niya, walang paghahanda ang bansa sa epekto ng mga pandaigdigang krisis, kabilang na ang sigalot sa Gitnang Silangan at bagong patakarang pangkalakalan ng Amerika.

Tinuligsa rin ni Duterte ang pahayag ng administrasyon na gumaganda na umano ang ekonomiya ng bansa, at sinabing hindi ito nararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino.

Aniya, “Maganda siya tingnan sa papel pero wala kang makikita sa araw-araw na buhay ng mga tao.”

-- ADVERTISEMENT --

Ipinunto rin niya na patuloy ang pagyaman ng mayayaman habang ang mahihirap ay lalong naghihirap.

Ayon kay Duterte, umaasa lamang ang bansa sa remittances ng mga overseas Filipino workers para buhayin ang ekonomiya, bagay na hindi umano tamang pundasyon para sa tunay na pag-unlad.

Nanawagan siya sa mga kababayan na magkaisa at igiit ang nararapat na serbisyo at aksyon mula sa pamahalaan.