
Nag-post ng piyansang P120,000 kada bilang si Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98, isang araw matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng tatlong counts ng grave threats.
Itinuring na surrendered si Duterte matapos siyang personal na magtungo sa korte at sumailalim sa booking procedures, kabilang ang pagkuha ng fingerprint at litrato. Matapos ang pagbabayad ng piyansa, ipinakita niya sa mga mamamahayag ang court order na nag-aalis sa bisa ng arrest warrant.
Iginiit naman ni Duterte na hindi siya ligtas at mayroon siyang mga naitalang banta at harassment mula pa noong 2023. Kaugnay ito ng mga pahayag niyang may inupahan siyang tao para ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyaring masama sa kanya.
Patuloy namang kinukuwestiyon ng kampo ni Duterte ang jurisdiction ng korte sa kaso at hinihintay ang magiging aksyon ng Korte Suprema sa kanilang petition. Ang naturang grave threats case laban sa bise presidente ay isa rin sa mga batayan ng impeachment complaint na kasalukuyang nililitis sa Senado.










