
Iginiit ni Vice President Sara Duterte na walang kinalaman sa kinakaharap niyang impeachment complaints sa Kamara ang kanyang pag-anunsyo ng pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Sa panayam sa Iligan City, sinabi ng Bise Presidente na hindi naging salik ang banta ng impeachment sa kanyang desisyon. Aniya, matagal nang umiiral ang mga usapin laban sa kanya kaya hindi ito naging bahagi ng kanyang pagpapasya.
Noong Pebrero 18, inihayag ni Duterte ang balak na tumakbo bilang pangulo sa 2028 elections. Sa kasalukuyan, nahaharap siya sa apat na impeachment complaints sa House of Representatives na nairefer na sa House Committee on Justice.
Ibinahagi rin ng Bise Presidente na ipinaalam niya ang kanyang plano sa ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nasa detention facility sa The Hague habang hinaharap ang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Ayon sa kanya, naiparating sa dating pangulo ang kanyang anunsyo sa pamamagitan ng mga abogado nito bago ang confirmation of charges hearing.
Dagdag pa ni Duterte, nabuo ang kanyang desisyon noong ikaapat na quarter ng 2025 matapos ang panahon ng pagninilay at pagdarasal.
Aniya, nagsimula na ang mga pag-atake laban sa kanya noong 2023, kasabay ng mga espekulasyon na tatakbo siya sa pagkapangulo, kaya minabuti na niyang ihayag ang kanyang pasya.










