Handa umano si Vice President Sara Duterte na harapin ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation.
Iniimbestigahan ng NBI ang naging banta ni Duterte na may kinausap siya na papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung siya ay papatayin.
Sinabi ito ni Senator Ronald dela Rosa matapos na mabigo si Duterte na magpakita sa NBI ngayong araw na ito, bilang tugon sa subpoena kaugnay sa kanyang naging pahayag.
Ayon kay Dela Rosa, nasa pagpapasiya ni Duterte kung gusto niya o hindi na pumunta sa NBI.
Gayunman, sinabi ni Dela Rosa na puwede naman na pumunta ang NBI sa tanggapan ni Duterte para isagawa ang kanilang imbestigasyon.
Una rito, inatasan ni Duterte ang kanyang abogado na ibigay ang kanyang kahilingan sa NBI na magtakda ng ibang petsa para sa kanyang pagtugon sa subpoena.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na hiniling ng abogado ni Duterte ng rescheduling dahil sa pagdinig ng Kamara na dapat ay isasagawa ngayong araw na ito.
Subalit, kinansela ng Kamara ang pagdinig ngayong araw na ito para bigyang daan ang imbestigasyon ng NBI.
Ayon sa abogado, huli na umano abisuhan sila ng Kamara na kinansela ang pagdinig.
Dahil dito, sinabi ni Santiago na kailangan na magpakita si Duterte sa NBI sa December 11.