
Tinatayang ₱7.5 bilyon ang kailangan ng pamahalaan upang unti-unting alisin sa singil ng mga consumer ang non-technical system loss sa kanilang electricity bills, ayon sa Department of Energy (DOE).
Kabilang sa non-technical system losses ang electricity theft, illegal connections o “jumpers” at iba pang pagnanakaw ng kuryente na kasalukuyang ipinapasa bilang bahagi ng singil sa mga consumer.
May apat na yugto ang plano ng National Electrification Administration (NEA), kung saan unti-unting aalisin ang 25%, 50%, 75% at hanggang 100% ng non-technical system loss charges.
Ayon sa DOE, palalakasin din ang anti-pilferage measures at billing at collection efficiency upang mabawasan ang pagkalugi ng mga electric cooperative.
Target ng NEA na simulan ang unti-unting pagtanggal ng naturang charges sa Enero 2027, ngunit aminado ang DOE na naghahanap pa ito ng pagkukunan ng ₱7.5 bilyong pondo.
Tinatayang maaaring abutin ng isang taon ang buong proseso ng pagtanggal sa mga naturang singil.









