Binitay ng pamahalaan ng China ang 11 miyembro ng umano’y apat na mafia family sa Myanmar na nasa likod ng malawakang illegal gambling operation at iba’t ibang online scam kung saan 14 na Chinese national ang napatay habang tumatakas sa malupit na pamamalakad ng mga ito noong 2023.

Nagmula ang mga ito sa mga angkan ng Ming, Bau, Wei at Liu na nasa likod ng mahigit $5 bil­yon operasyon ng ilegal na sugal, pekeng online investment, love romance scam, pekeng trabaho at crypto scam.

Dinakip sila ng Myanmar National Democratic Alliance Army (MNDAA) at ipinasa sa China para panagutin sa pagpatay sa 14 na kababayan at pambibiktima sa kanilang mga mamamayan.

Inanunsiyo ng Wenzhou City Intermediate People’s Court ang pagbitay sa kanila noong Huwebes.

Nauna nang hinatulan ng kamatayan ang mga akusado noong Setyembre 2025, kabilang sina Ming Guoping at Ming Zhenzhen, na itinuturing na lider ng operasyon, at iba pang pangunahing kasapi na sina Zhou Weichang, Wu Hongming, at Luao Jianzhang.

-- ADVERTISEMENT --

Tinanggihan ng korte noong Nobyembre ang apela ng grupo.

Naaresto ang mga suspek noong Nobyembre 2023 matapos maglunsad ang China ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga scam sa mga border area na katabi ng Myanmar tulad ng Cambodia at Laos.