
Nasagip ng Philippine Coast Guard ang 14 pasahero mula sa isang lumubog na bangka sa karagatan ng Ternate, Cavite nitong Huwebes.
Ayon sa mga awtoridad, ang bangka, na dating fishing vessel, ay patungo mula Naic papuntang Ternate nang biglang lumala ang panahon.
Ani Captain Charity Copiaco, Coast Guard Station Commander sa Cavite, sinabi ng kapitan ng bangka na ang malakas na hangin ang dahilan ng paglubog.
Pagkatanggap ng ulat mula sa mga dumaan na barko, agad namang nag-deploy ang PCG personnel para sa rescue operation. Tumulong rin ang iba pang barko sa karatig na lugar.
Dinala sa ospital ang mga nasagip na pasahero para sa pagsusuri at kasalukuyang nasa mabuting kondisyon.
Batay sa imbestigasyon ng PCG, kulang ang dokumentasyon ng bangka at hindi ito rehistrado bilang tourist o passenger vessel.
Ayon kay Copiaco, karaniwang ginagamit ang fishing boats bilang passenger o tourist boats sa off-peak season ng pangingisda, ngunit kinakailangang mairehistro sa Maritime Industry Authority.
Dagdag pa niya, lumalabas na may overloading ang bangka, dahil ito ay dapat na limitado lamang sa sampung pasahero.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kapitan at may-ari ng nasabing bangka.










