Arestado ang dalawang ina sa Glendale, Arizona matapos iwan ang kanilang apat na anak, kabilang ang isang sanggol, sa parking area habang sila’y nasa loob ng bar.

Ayon sa ulat, dakong alas-11 ng gabi nang mapansin ng mga residente ang dalawang batang pagala-gala sa parking lot at tinawag ang pulisya.

Sa pagdating ng mga pulis, nadiskubre nila ang isa pang bata at isang sanggol na umiiyak sa loob ng sasakyan.

Una ay dumating ang isang ina na nagsabing nagbanyo lang siya, pero hindi ito pinaniwalaan dahil mahigit 45 minuto nang nai-report ang insidente.

Sumunod na dumating ang isa pang ina na kapareho rin ang palusot.

-- ADVERTISEMENT --

Kalaunan ay inamin ng isa sa kanila na pumasok sila sa bar at uminom, habang iniwang mag-isa ang mga bata.

Natagpuan din sa loob ng kotse ang marijuana na abot-kamay ng mga bata.

Nahaharap ngayon ang dalawang ina sa mga kasong may kinalaman sa kapabayaan at ilegal na droga, habang inilipat na sa kustodiya ng gobyerno ang mga bata para sa kanilang kaligtasan.