
Maaari nang gamitin ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang digital OFW Pass sa halip na naka-print na Overseas Employment Certificate (OEC) kapag bumiyahe sa 24 international airlines na may operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa pamamagitan ng e-Verify system ng Department of Migrant Workers (DMW), mabeberipika ng mga airline ang travel clearance ng OFW gamit ang QR code na nasa digital OFW Pass.
Kapag na-verify, maaari nang iproseso ng airline ang exemption o refund sa terminal fee ng kwalipikadong OFW.
Kabilang sa 24 airlines na tumatanggap na ng digital OFW Pass ang Philippine Airlines, Cebu Pacific, Singapore Airlines, Qatar Airways, Japan Airlines, Korean Air, Cathay Pacific, AirAsia, Malaysia Airlines, at iba pang international carriers.
Sa bagong sistema, kailangan lamang ipakita ng OFW ang kanyang pasaporte at ang digital OFW Pass sa eGovPH App sa check-in counter.
Ayon sa DMW, hindi na kailangang magdala ng naka-print na OEC at iba pang dokumento, kaya mas mabilis at mas maginhawa ang check-in process.










