TUGUEGARAO CITY-Huli ang tatlong katao matapos maaktuhang nagsusugal sa isang bakanteng bahay sa bayan ng Solana, Cagayan.
Una rito, ipinaabot ng isang concerned citizen ang ginagawang pagsusugal ng tatlo na sina Lorenzo Gabona,52-anyos , Marvin Alabbon at Maribeth Malabad kapwa 36-anyos at pawang mga residente ng Brgy. Natappian East na agad namang nirespondehan ng kapulisan.
Naaktuhan ang tatlo na naglalaro ng “tong-its” kung saan nakuha sa kanila ang isang set ng playing card at P2,000 bet money.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek ng kasong paglabag sa presidential decree 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.
Samantala, isang guro rin ang nahuli matapos makumpiskahan ng illegal na shabu sa nasabi paring bayan matapos magsagawa ng buy-bust operation ang mga otoridad.
Nakuha sa suspek na si Merlito Addun ang isang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P6,000.
Nabatid na unang nakulong ang suspek noong 2018 dahil pa rin sa kaparehong kaso at nakalabas lamang nitong May 2020 ngunit muling bumalik sa masamang gawain.
Depensa naman ng suspek may katagpo lamang umano siyang kaibigan at dating kasamahan sa kulungan para kunin ang isang manok at itinangging nagbebenta ng illegal na shabu.