Isinailalim sa pagsasanay ang 30 magulang na benepisyaryo ng SHIELD program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa bayan ng Rizal Cagayan.
Ayon sa DSWD na ang SHIELD Program o Strategic Helpdesk for Information, Education, Livelihood, and Other Developmental Interventions ay naglalayong iligtas ang mga bata mula sa pinakamalalang uri ng child labor sa pamamagitan ng pagbibigay ng komprehensibo at agarang interbensyon sa antas ng komunidad.
Paliwanag pa ng ahensiya na Isa sa mga pangunahing layunin ng programa ang Skills and Livelihood Training ng mga magulang upang matulungan silang magkaroon ng sapat na kita para sa kanilang pamilya, at maiwasan ang sapilitang pagtatrabaho ng kanilang mga anak dahil sa matinding kahirapan.
Katuwang ng ahensya ang DOST, TESDA, at DA sa pagsasagawa ng pagsasanay. Kasama sa mga itinuro sa mga kalahok ang paggawa ng dishwashing liquid, fabric conditioner, longganisa, tocino, cornik, at iba pang produktong maaaring pagkakitaan.
Ipinakita rin ng lokal na pamahalaan ng Rizal, sa pangunguna ni Atty. Joel A. Ruma, ang buong suporta sa nasabing programa.
Agad itong nagtatag ng samahang tinawag na KAMAG-ANAK-ACL o KApatiran ng MAGulang at ANAK-Against Child Labor na kasalukuyang binubuo ng 30 magulang.
Layunin ng samahan na mapadali ang pamamahagi ng tulong mula sa LGU at DSWD FO2 para sa kanilang mga pamilya.