
Naghain ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng urgent motion sa Supreme Court para agad maresolba ang kanyang hiling na temporary restraining order o TRO laban sa grave threats case na isinampa sa Quezon City Regional Trial Court.
Inihain ang mosyon noong Setyembre 7, tatlong araw matapos maisampa ang kaso at dalawang araw matapos magpiyansa si Duterte.
Nakatakda ang kanyang arraignment sa Setyembre 11.
Ayon sa kampo ng bise presidente, mabilis ang pag-usad ng criminal proceedings kaya nanganganib umanong mawalan ng saysay ang kanilang hiling sa Supreme Court kung hindi agad maglalabas ng injunctive relief.
Iginiit din ng kampo ni Duterte na may mga constitutional at jurisdictional issues na dapat munang resolbahin, kabilang ang sinasabi nilang limited procedural immunity ng isang incumbent impeachable officer.
Noong Agosto 21, naghain ang kampo ni Duterte ng petition for certiorari at prohibition sa Supreme Court upang ipawalang-bisa ang mga isinampang kaso at mapigilan ang pagpapatuloy ng proceedings.
Samantala, noong Setyembre 4, humiling din ang kampo ng bise presidente sa Supreme Court na iparekober o iparecall ang mga warrant of arrest laban sa kanya.
Gayunman, sinabi ng tagapagsalita ni Duterte na dadalo siya sa arraignment “as required by law.”









