
Delikado umano sa kasalukuyan na ilipat sa ibang medical facility si dating House Speaker Martin Romualdez dahil sa kondisyon nito, ayon sa kanyang cardiologist na si Dr. Rody Sy.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division sa hiling ni Romualdez na manatiling naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center, sinabi ni Sy na umabot sa 170/110 ang blood pressure ng dating Speaker noong Setyembre 10 kaya kinailangang i-advance ang kanyang medication, habang tinaasan din ng psychiatrist ang kanyang sleep medication.
Ayon kay Sy, may coronary condition si Romualdez at sakaling magkaroon ng acute episode o heart attack ay kailangan nitong magkaroon ng access sa angiographic facilities sa loob ng isang oras.
Tinatayang nasa 10 hanggang 20 porsiyento umano ang posibilidad na magkaroon ng untoward incident habang inililipat si Romualdez dahil sa labis na stress, kahit pa may kasamang medical experts at kumpleto sa equipment ang ambulansya.
Dahil dito, inirekomenda ni Sy na maghintay ng apat hanggang anim na linggo bago ilipat si Romualdez para sa independent medical evaluation at sinabing maaaring maituring na “professional recklessness” kung agad itong ililipat.
Gayunman, sinabi ng cardiologist na wala siyang tutol na ilipat si Romualdez sa ospital na may kumpletong pasilidad sa tamang panahon, at maaari rin itong dalhin sa korte para sa maikling proceeding kung normal ang kanyang blood pressure.
Samantala, inamin ng admitting doctor na si Dr. Kurt Allen Sibayan na “unusual” ang pag-request ng kampo ni Romualdez ng clinical abstract ilang oras matapos itong ma-admit, dahil karaniwang ginagawa ang naturang dokumento kapag idi-discharge na ang pasyente.
Sinabi rin ni Dr. Rosalio Torres, lead physician ni Romualdez, na wala pang naka-schedule na surgery o invasive medical procedure para sa dating Speaker, bagama’t hindi siya sang-ayon sa pahayag na walang serious threat sa kalusugan nito.
Sa pagdinig, ibinahagi rin ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda na mahigit dalawang dekada na niyang cardiologist si Sy, ngunit tiniyak niyang hindi makaaapekto ang kanilang doctor-patient relationship sa kanyang judgment at tungkulin bilang mahistrado.










