
Nakamit ng Philippine women’s soft tennis team ang bronze medal sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan, matapos mabigo sa defending champion na Japan sa semifinals.
Tinalo ng Japanese team ang Pilipinas, 2-0, kaya hindi na umabot sa finals ang Filipinas. Gayunman, ang pagkatalo ay nagbigay pa rin sa bansa ng makasaysayang unang medalya sa 20th Asian Games.
Ito rin ang unang pagkakataon na nakapasok sa medal round ng Asian Games ang Philippine women’s soft tennis team.
Binubuo ang koponan nina Hilary Paas, Princes Catindig, Bien Zoleta, Christy Sañosa at Shyryn Salazar.
Bagama’t hindi nakalusot sa finals, ipinakita ng mga Pinay ang kanilang tapang laban sa powerhouse Japanese team, sa harap ng maraming manonood sa Higashiyama Koen Tennis Center sa Nagoya.
Ayon kay team captain Bien Zoleta, mahalaga ang bronze medal dahil ipinakita nitong kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa mga nangungunang bansa sa Asia sa soft tennis.
Para naman kay Princes Catindig, ipinagmamalaki nila ang kanilang pagiging Pilipino at ang pagkakataong maipakita ang talento ng bansa sa international stage.
Bukod sa medalya, nakatanggap din ang mga Filipinas ng mainit na suporta mula sa Japanese fans matapos ang laban.
Ilang batang manonood pa ang lumapit sa mga Pinay players para humingi ng kanilang mga autograph, habang ipinakita rin ng ilan ang kanilang paghanga sa Philippine team.
Ayon kay Hilary Paas, naging espesyal para sa kanila ang pagtanggap ng mga Japanese fans dahil malaki ang komunidad ng soft tennis sa Japan, kung saan nagmula ang sport.
Para naman kay Zoleta, na four-time Southeast Asian Games gold medalist, ito ang una niyang Asian Games medal.
Mas naging makabuluhan umano ang tagumpay dahil hindi niya ito nakamit nang mag-isa kundi kasama ang buong koponan.
Ang bronze medal ng women’s soft tennis team ang unang medalya ng Team Philippines sa 2026 Asian Games, kung saan mahigit 400 Filipino athletes ang lumalahok.










