Naglabas ng stern warning ang Senate Impeachment Court laban kay House Prosecutor Terry Ridon kaugnay ng mga pahayag nito tungkol sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa ruling ng korte, sinabi nitong ipinagbabawal ng Rule 18 ng Impeachment Rules ang mga pahayag na kumukomento sa merito ng kaso.

Gayunman, kinilala ng impeachment court na kumilos si Ridon nang may mabuting intensiyon at kinilala rin nito na nasa senator-judges ang huling pagpapasya batay sa mga ebidensiya.

Dahil dito, pinaalalahanan si Ridon na maging mas maingat at magpakita ng higit na pagpipigil sa mga susunod niyang pampublikong pahayag tungkol sa merito ng nakabinbing impeachment trial.

Sinabi rin ng korte na maaaring ipaalam ng mga partido sa publiko ang mga nangyayari sa paglilitis, ngunit hindi dapat nilang suriin o bigyang-kahulugan kung paano pinatutunayan ng ebidensiya ang kanilang panig.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang tugon, sinabi ni Ridon na tinatanggap niya ang babala at nangakong susunod sa ruling ng korte habang ipinagpapatuloy ang kanyang tungkulin bilang lead prosecutor sa usapin ng unexplained wealth.