
Na-flag ng ilang bangko ang mga transaksyon sa mga account ni Vice President Sara Duterte dahil sa mga alegasyon ng graft and corruption, drug trafficking at malversation ng public funds, ayon sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Sa impeachment trial, sinabi ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura na kabilang dito ang dalawang transaksyon para sa insurance premium payments sa Mercantile Insurance noong Hulyo at Nobyembre 2019 na ini-report bilang suspicious transactions.
May iba pang transaksyon noong Agosto 1, 2024 sa Philippine Savings Bank na iniugnay sa “drug trafficking and related offenses.”
Samantala, ini-report din bilang suspicious transaction ang Disyembre 5, 2024 na transaksyon sa BDO Life Assurance Company dahil sa umano’y malversation ng public funds.
Nakasaad din sa report ang alegasyon na maling nagamit ang confidential funds ng Office of the Vice President.
Ayon kay Buenaventura, ang mga nasabing transaksyon ay nakapangalan kay Sara Z. Duterte.
Tumutol ang depensa sa presentasyon ng mga dokumento, dahil umano nakabatay lamang sa mga news report ang pag-flag ng mga bangko. Gayunman, pinayagan ito ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero.
Ang mga dokumento ay bahagi ng ebidensya ng prosekusyon sa Article 2 ng impeachment case, na may alegasyon ng unexplained wealth at kabiguan umanong maideklara nang tama ang mga ari-arian sa SALN.










