Umabot sa P1.25 bilyon ang kabuuang covered at suspicious transactions ng Cale88 Foods Corporation, kumpanyang iniuugnay kay Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura, nasa P1,254,736,297.08 ang aggregate amount ng mga transaksyong iniulat sa AMLC.

Inilahad ito ni Buenaventura sa ika-34 na araw ng impeachment trial kay Duterte matapos siyang tanungin ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan.

Batay sa testimonya, itinatag ang Cale88 noong 2021 at umabot sa 47.5% ang interes ni Carpio sa kumpanya noong 2024, bago mawala ang kaniyang pangalan sa General Information Sheet noong 2025.

Samantala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na “unusual” ang P2.7 bilyong financial transactions na iniugnay kay Duterte mula 2009 hanggang 2013.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang kinumpirma ng AMLC na nakatanggap ang Cale88 ng P319 milyon mula China at Hong Kong.

Itinanggi naman ng kampo ni Duterte na nagpapatunay ang mga rekord ng AMLC na ilegal ang pinagmulan ng mga naturang pondo.