Bumaba ang mga pangunahing stock market index sa Wall Street matapos sumipa ang presyo ng langis at tumaas ang US Treasury yields, na nagpalakas sa pangamba sa pagtaas muli ng inflation.

Umakyat ng 4.2% ang Brent crude futures sa mahigit $104 kada bariles, bunsod ng pangamba sa suplay mula sa Middle East at epekto ng bagyo sa produksyon sa Estados Unidos.

Samantala, umabot sa 5.3% ang yield ng 10-year US Treasury note, malapit sa pinakamataas nitong antas mula noong 2002.

Bumaba ng 0.47% ang Dow Jones, 0.39% ang S&P 500 at 0.55% ang Nasdaq. Kabilang sa mga bumagsak ang malalaking technology stocks gaya ng Amazon, Tesla, Broadcom at Oracle.

Inaasahan namang magiging sentro ng atensyon ng mga mamumuhunan sa susunod na linggo ang quarterly earnings ng malalaking bangko at iba pang kumpanya.

-- ADVERTISEMENT --