
Nakatakdang magsagawa ang International Criminal Court (ICC) ng ikaapat na status conference sa kaso ni dating pangulong Rodrigo Duterte bukas, October 13, mula alas-4 hanggang alas-5:30 ng hapon, oras sa Pilipinas, bilang paghahanda sa pagsisimula ng paglilitis kaugnay ng mga kasong crimes against humanity.
Tatalakayin sa pagdinig ang schedule ng paglilitis, presentasyon ng mga saksi, pagsisiwalat ng ebidensiya, at mga hakbang para sa proteksiyon ng mga kalahok.
Inaasahan ding magbibigay ng kani-kanilang pagtataya ang prosekusyon, depensa at mga kinatawan ng mga biktima sa oras na kakailanganin upang maiharap ang kanilang mga kaso.
Nakatakda ring talakayin ang mga pahayag ng depensa tungkol sa kahandaan nitong humarap sa paglilitis at ang mga serbisyong kakailanganin ng korte.










