
Patay ang sub-leader ng Dawlah Islamiya-Hassan Group at tatlo nitong escort matapos ang limang minutong palitan ng putok sa mga awtoridad sa Barangay Tapayan, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, nitong Oktubre 16.
Kinilala ang sub-leader na si Yusa Ganoy, alyas “Minimi,” na kabilang sa most wanted persons sa Maguindanao del Sur.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), magsisilbi lamang sana ng mga warrant of arrest ang operating team, kasama ang militar, nang paputukan umano sila ng grupo ni Ganoy, na humantong sa engkuwentro.
Nahaharap si Ganoy sa iba’t ibang kaso, kabilang ang destructive arson, murder, direct assault at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020. Iniuugnay rin siya sa mga pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, at mga insidente ng pagpatay at panununog sa Maguindanao del Sur.
Narekober sa pinangyarihan ang isang assault rifle, tatlong caliber .45 pistol at isang improvised explosive device (IED).










