
Kumalat na sa ikawalong lalawigan ng Democratic Republic of the Congo (DR Congo) ang Ebola outbreak matapos kumpirmahin ang dalawang kaso, kabilang ang isang nasawi, sa North Ubangi.
Kinumpirma ito nitong Linggo ng National Institute for Biomedical Research ng bansa. Katabi ng Central African Republic ang North Ubangi, kaya dagdag itong hamon sa mga awtoridad na nagsisikap pigilan ang pagkalat ng sakit.
Kabilang na ngayon ang North Ubangi sa walong lalawigang apektado ng outbreak, kasama ang North Kivu, Ituri, Haut-Uele, Tshopo, South Kivu, Bas-Uele at South Ubangi.
Nauna nang naiulat ang pagkalat ng sakit sa labas ng DR Congo, kung saan may mga naitalang kaso sa Uganda at pitong impeksiyon ang nakumpirma sa Kenya ngayong buwan.
Batay sa pinakahuling ulat ng sitwasyon, nakapagtala ang bansa ng 67 bagong kumpirmadong kaso at 26 na karagdagang nasawi sa loob ng 24 oras hanggang Oktubre 16.
Dahil dito, umabot na sa 9,415 ang kabuuang kumpirmadong kaso at 4,536 ang nasawi mula nang magsimula ang outbreak.
Nananatiling nakasentro sa silangang bahagi ng DR Congo ang pagkalat ng sakit, kung saan naitala sa lalawigan ng Ituri ang 44 sa 67 bagong kaso.
Patuloy namang pinaiigting ng mga awtoridad at humanitarian responders ang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng Ebola, kabilang ang pagbabakuna sa mga health worker at iba pang frontliner.










