
Isinusulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang isang deklarasyon na magpapalakas sa pagtutulungan ng mga kasaping bansa laban sa ilegal na recruitment, online recruitment scams at human trafficking.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, mahalaga ang hakbang na ito dahil may mga Pilipinong nabibiktima ng mga scam hub sa rehiyon.
Tinatayang 3,000 Pilipinong biktima ng scam hubs ang naiuwi na sa bansa, kabilang ang ilan na naging biktima ng sex trafficking.
Sa ilalim ng panukalang deklarasyon, layong palakasin ang proteksiyon sa migrant workers, tiyakin ang ligtas na mga ruta ng migrasyon at higpitan ang koordinasyon ng mga bansa laban sa ilegal na recruitment at mga sindikato ng human trafficking.
Pinangunahan din ng Pilipinas ang ika-19 na ASEAN Forum on Migrant Labour ngayong buwan, kung saan tinalakay ng mga kasaping bansa ang lumalaking banta ng mga panlolokong gumagamit ng internet sa pagre-recruit ng mga manggagawa.









