Hinimok ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang na humarap sa mga imbestigador kaugnay ng 521-kilong shabu shipment na nasabat sa Laos at umano’y nakatakdang ipasok sa Pilipinas.

Ayon kay CIDG director Maj. Gen. Robert Morico II, kabilang si Rimbang sa apat na person of interest na hindi pa natutunton ng mga awtoridad.

Itinuturing umano siyang financier ng operasyon, habang si Abdulkarim Macalatas naman ang sinasabing consignee ng kargamento.

Mahigit 40 subpoena na ang ipinadala sa mga indibidwal, kumpanya at ahensya ng pamahalaan upang makatulong sa pagbuo ng kaso.

Nilinaw naman ng CIDG na hindi lahat ng pinadalhan ng subpoena ay person of interest, dahil ang ilan ay hinihingan lamang ng mga dokumento at ebidensya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa imbestigasyon, natukoy umano ang ₱11.5 milyong transaksyong ginamit sa pag-arkila ng eroplano at iba pang gastusin para sa operasyon. Tinatayang $120,000 o nasa ₱7 milyon ang inilaan sa aircraft rental.

Target ng CIDG na isumite sa hepe ng PNP ang ulat ng imbestigasyon bago mag-Biyernes, bago ito ipasa sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagtukoy ng mga posibleng ikaso.

Binigyang-diin ng CIDG na bukas pa rin ang mga imbestigador na pakinggan ang panig ni Rimbang.