Inaasahang tataas ng ₱1.50 hanggang ₱2.50 kada litro ang presyo ng diesel sa susunod na linggo, habang posibleng bumaba naman ng ₱1 hanggang ₱1.50 kada litro ang presyo ng gasolina.

Batay sa paunang pagtataya ng industriya ng langis, nakabatay ang inaasahang pagbabago sa galaw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore at palitan ng piso kontra dolyar sa nakalipas na apat na araw. Hindi pa kabilang sa kalkulasyon ang lingguhang pagbabago sa singil sa kargamento.

Inaasahang iaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang pinal na pagbabago sa presyo at ipatutupad ito sa Martes.

Noong nakaraang Martes, bumaba ng hanggang ₱4 kada litro ang presyo ng gasolina, habang tumaas naman nang mahigit ₱2 kada litro ang diesel.

Ayon sa mga pagtataya, kabilang sa mga nagtutulak sa pagtaas ng presyo ng langis ang tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, mga pag-atake sa mga pasilidad at sasakyang pandagat, at pagbaba ng daloy ng langis mula sa Gulf. Nakadaragdag din sa pagtaas ng presyo ng diesel ang mga pag-atake ng Ukraine sa mga refinery ng Russia.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ang pagtaas ng imbentaryo ng gasolina sa Singapore ay nagpapahiwatig ng pagbuti ng suplay nito sa Asya, na maaaring makatulong sa inaasahang pagbaba ng presyo ng gasolina.