Arestado ang isang 42-anyos na lalaki na itinuturong may kaugnayan sa pamamaril sa isang radio news anchor sa Roxas City, Capiz.

Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Doming,” na kabilang sa listahan ng Most Wanted Person sa Tapaz, Capiz.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), naaresto ang suspek bandang alas-3:05 ng hapon noong Oktubre 30 sa Barangay Poblacion, Tapaz, sa isinagawang intelligence-driven operation ng mga pulis.

Batay sa police records, iniuugnay ang suspek sa pamamaril sa isang radio news anchor noong Hunyo 22, 2026, sa Crossing ng Costa Verde, Barangay Cagay, Roxas City.

Sa pahayag ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-usig sa mga kasong may kinalaman sa karahasan laban sa mga mamamahayag.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Nartatez, mahalaga ang kaligtasan ng mga media practitioner dahil sa kanilang papel sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko.

Nasa kustodiya na ngayon ng Tapaz Municipal Police Station ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at mga legal na proseso.