Nasawi ang isang bata sa Lewis County, New York matapos mahawaan ng tigdas, na kauna-unahang pagkamatay na may kaugnayan sa sakit sa estado sa loob ng tatlong dekada, ayon sa mga awtoridad.

Nagpahayag ng pagdadalamhati si New York Governor Kathy Hochul sa pagkamatay ng bata at sinabing paalala ito sa kahalagahan ng pagpapanatili ng mga hakbang upang maprotektahan ang publiko laban sa mga sakit na naiiwasan sa pamamagitan ng bakuna.

Patuloy namang nahaharap ang Estados Unidos sa pinakamalalang pagkalat ng tigdas sa loob ng 35 taon. Pagsapit ng Oktubre 29, umabot na sa 4,834 ang naitalang kaso sa 47 estado.

Noong Oktubre, nagdeklara ng state of emergency si Hochul sa New York kasunod ng mga outbreak sa estado at mga karatig-lugar.

Idineklarang eradicated o wala nang lokal na pagkalat ng tigdas sa Estados Unidos noong 2000 matapos ang malawakang kampanya sa pagbabakuna.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, muling dumarami ang mga kaso nitong mga nakaraang taon kasabay ng pagtaas ng pag-aalinlangan sa mga bakuna.

Nagdudulot ang tigdas ng lagnat, sintomas sa paghinga at mga pantal sa balat.

Sa malulubhang kaso, maaari itong mauwi sa pulmonya at pamamaga ng utak na posibleng ikamatay ng pasyente.