
Maghahain ng motion for reconsideration si election lawyer Romulo Macalintal upang kuwestiyunin ang desisyon ng Supreme Court (SC) na nagpapatibay sa batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at nagpapahaba sa termino ng mga kasalukuyang opisyal.
Ayon kay Macalintal, target niyang maisumite ang mosyon ngayong linggo at pinag-aaralan pa kung hihiling siya ng buo o bahagyang reconsideration.
Iminungkahi niyang panatilihin ng Korte Suprema ang desisyon nitong ideklarang unconstitutional ang probisyong nagbibigay sa Kongreso ng kapangyarihang magtakda ng termino ng mga opisyal, habang ibasura rin ang probisyong nagpapaliban sa halalan.
Matatandaang ibinasura ng SC ang petisyon ni Macalintal at pinagtibay ang Republic Act No. 12326 na nagtakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at SK, at inilipat sa 2028 ang susunod na halalan.










