
Isinuko ng apat na mangingisda sa mga pulis ang nasa 30.15 kilo ng hinihinalang cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng ₱159 milyon matapos matagpuan na palutang-lutang sa karagatan ng Barangay Sanja, Aparri, Cagayan nitong Nobyembre 14.
Ayon sa Cagayan Police Provincial Office, namataan ang mga pakete bandang alas-10:30 ng umaga, may layong 40 nautical miles o tinatayang 74 kilometro mula sa hangganan ng Fuga at Camiguin Islands.
Nasa loob ng isang parihabang itim na pakete na may markang double G logo, bibig at dila ang 26 na transparent plastic packs na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga.
Rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Aparri Police, Provincial Intelligence Unit–Provincial Drug Enforcement Unit at 2nd Cagayan Mobile Force Company.
Dinala na sa police crime laboratory ang mga nakuhang pakete para sa pagsusuri at kumpirmasyon kung cocaine ang laman ng mga ito.









