Nagbabala ang administrasyon ni US President Donald Trump na maaari pang magpatuloy ng isang araw ang malawakang aberya sa biyahe sa himpapawid sa United States kasunod ng kanselasyon ng daan-daang flight dahil sa ipinatupad na no-takeoff order.

Inaasahang aabot pa sa Lunes bago tuluyang bumalik sa normal ang operasyon ng mga paliparan matapos maantala ang mga biyahe noong Biyernes dahil sa problema sa mga kable ng komunikasyon ng air traffic control.

Ayon kay Transportation Secretary Sean Duffy, normal na muli ang sitwasyon sa airspace sa Linggo, subalit posibleng sa susunod na araw pa ganap na maibalik sa ayos ang mga biyahe dahil sa mga eroplanong at crew na nalagay sa maling puwesto bunsod ng aberya.

Pagsapit ng Linggo ng umaga, nasa 1,460 na flight na sa loob, papasok at palabas ng United States ang nakansela.

Sinisi naman ni Trump ang nakaraang administrasyon ni dating US President Joe Biden sa umano’y hindi maayos na sistema ng Federal Aviation Administration (FAA), habang iginiit ni Duffy na matagal nang luma ang imprastraktura ng air traffic control sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Humihiling ang administrasyon ng 50 bilyong dolyar na pondo para sa pagsasaayos at modernisasyon ng air traffic control system. Gayunman, iginiit ng mga Democrat na maaari na sanang naisagawa ng Kongreso ang naturang hakbang sa ilalim ng kontrol ng mga Republican.