Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10995 na naglalayong ibaba sa 56 na taong gulang mula sa kasalukuyang 60 ang optional retirement age ng mga empleyado ng pamahalaan.

Nakakuha ang panukala ng 209 boto pabor, walang tumutol at isa ang nag-abstain.

Aamyendahan ng panukala ang Section 13-A ng Republic Act No. 8291 o Government Service Insurance Act of 1997 upang mabigyan ng opsyon ang mga kawani ng gobyerno na magretiro sa mas batang edad.

Sa ilalim nito, maaaring mag-avail ng optional retirement ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) na edad 56 pataas at nakapaglingkod nang hindi bababa sa 15 taon sa pamahalaan, basta’t hindi tumatanggap ng buwanang pensyon dahil sa permanent total disability.

Layunin ng panukala na bigyan ng mas maagang pagkakataong makapagretiro ang mga kawani ng gobyerno upang mas magkaroon sila ng panahon para sa kanilang pamilya at magamit ang kanilang retirement benefits at naipong pera.

-- ADVERTISEMENT --