TUGUEGARAO CITY-Nasa kustodiya na ng kapulisan ang ama ng biktima at kasamahan nito na umano’y nanggahasa at pumatay sa menor-de-edad na anak noong nakaraang taon sa bayan ng San Mateo, Isabela.

Ayon kay PCapt. Abdel Aziz Maximo, hepe ng PNP San Mateo, agad silang nagsagawa ng operasyon laban sa mga akusado na sina Alfredo Corpuz, 58-anyos, ama ng biktima na si Princess Diana Corpuz, 13-anyos at bayaw nitong si Rogelio Delos Reyes kapwa residente sa nasabing lugar matapos ilabas ng korte ang kanilang warrant of arrest.

Aniya, nahuli ang dalawang akusado sa isang kubo sa bulubunduking bahagi ng Sitio Pader, Brgy. Anak, Nagtipunan, Quirino at nasampahan na rin ng kasong rape with homicide.

Matatandaan, October 27, 2020 nang matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng dalagita sa isang irigasyon na walang saplot pang-ibaba at pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinatay.

Sinabi ni Maximo na batay sa kanilang naging paunang imbestigasyon noong nakaraang taon, ang dalawa ang naging pangunahing suspek sa naturang krimen.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi naman mabatid ng PNP kung nasa impluwensiya ng nakalalasing nainumin o droga ang dalawa nang mangyari ang panggagahasa at pagpatay.

Nabatid na una na ring naharap sa kasong murder at frustrated murder si Delos Reyes pero nakalaya.