Pinalalakas ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang pangongolekta ng hindi pa nababayarang buwis sa pamamagitan ng bagong nationwide digital system para sa delinquent tax accounts at mga ari-ariang nasamsam, naibenta o na-forfeit dahil sa hindi nabayarang obligasyon.

Sa ilalim ng Enhanced Accounts Receivable Management o eARMS, magkakaroon ang BIR ng centralized system para sa pagsubaybay at pamamahala ng accounts receivable at delinquent accounts, kabilang ang mga rekord ng seizure, sale at forfeiture ng properties.

Inilunsad ang sistema noong Setyembre 21, 2026 at papalitan nito ang dating Accounts Receivable Management System o ARMS.

Inaasahan ding mapapadali nito ang pagberipika at pagbabayad ng tax liabilities, kabilang ang pagproseso ng tax clearance applications para sa mga taxpayer na may outstanding obligations.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, makatutulong ang mas maayos at maaasahang records para mas mabilis na masubaybayan ang mga hindi pa nababayarang buwis at makapagsagawa ng napapanahong collection action.

-- ADVERTISEMENT --

Sa unang pitong buwan ng 2026, umabot sa P2.003 trilyon ang nakolektang buwis ng BIR, mas mataas sa P1.990-trilyong target para sa naturang panahon.