
Nilinaw ng isang religious leader ang kanyang naging papel at alam niya ang paglagda bilang witness sa affidavit ng 18 sinasabibing dating miyembro ng Philippine Marines, na nagsabi na namigay sila ng pera sa maraming pulitiko sa utos umano ni dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Bishop Efraim Tenedero, dating secretary general ng The World Evangelical Alliance (WEA), dalawang araw bago ang kanyang biyahe sa Estados Unidos, hiniling sa kanya na maging testigo sa paglagda sa sinumpaang salaysay ng 18 dating mga sundalo sa notary public.
Ang tinutukoy ni Tenedero ay ang may notaryo na affidavit na isinumite ng 18 indibidual, na nagpakilala na mga dating Marines sa Ombudsman sa pamamagitan ng kanilang abogado na si Levito Baligod.
Kinumpirma ni Tenedero na nasaksihan niya ang paglagda ng 18 ex-marines ng affidavit sa notary public.
Subalit nilinaw niya na hindi niya kilala ng personal ang mga nasabing indibidual, at lumapit umano sila sa kanya dahil isa siyang religious leader na isa sa mga nagsusulong ng transparency, accountability, at integridad sa pamahalaan.
Idinagdag pa ni Tenedero na bilang isang witness, hindi niya pinapatotoo ang mga nakasaad sa nasabing dokumento.
Ayon sa kanya, kinukumpirma lamang niya na lehitimo ang paglagda ng 18 ex-Marines ng kanilang affidavit.










