Sumadsad na sa P62 kada isang dolyar ang halaga ng piso ngayong Biyernes, August 28, na panibagong all-time low ng Philippine currency.

Nagbukas ang foreign exchange trading ngayong araw sa P62.05 kada isang dolyar.

Pagsapit ng alas-diyes ng umaga, umabot pa sa P62.25 kada isang dolyar ang palitan, na pinakamahinang halaga ng piso kontra dolyar na naitala sa trading.

Hindi pa ito ang closing rate ngayong araw dahil mamayang hapon pa magsasara ang foreign exchange trading.

Kahapon, nagsara ang piso sa dating record-low na P61.888:$1, mas mahina ng 23.8 centavos kumpara noong Miyerkules.

-- ADVERTISEMENT --

Nalampasan nito ang naunang record low na P61.847 kada isang dolyar na naitala noong July 24.

Kabilang sa mga patuloy na nagpapabigat sa piso ang inflation risks at paglakas ng US dollar ayon sa ilang traders.

Kahapon, naglabas ng desisyon ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magtaas ng interest rates sa ikatlong sunod na policy meeting sa gitna ng patuloy na inflation risks.