
Lumagda ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Justice (DOJ) sa isang information-sharing agreement upang mapabilis ang pagkuha ng impormasyon sa mga kasong may kaugnayan sa financial account scams at iba pang kaugnay na paglabag.
Sa ilalim ng kasunduan, mas mabilis nang makakahiling ang DOJ ng financial account information na maaaring gamitin sa pagsasampa ng kaso alinsunod sa Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na nilagdaan noong 2024.
Ayon sa BSP at DOJ, layunin ng kasunduan na mapabilis ang pagtukoy sa mga nasa likod ng mga kahina-hinalang transaksyon, maprotektahan ang mga biktima ng online scams, at matiyak na ang lahat ng impormasyong ibabahagi ay gagamitin lamang para sa mga awtorisadong layunin at alinsunod sa batas.









