Nananatili sa alert level 3 ang Bulkang Mayon matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagtaas ng aktibidad nito sa loob ng 24 oras.

Sa pinakahuling monitoring nitong Pebrero 1, 2026, naitala ang 389 rockfall events at 26 pyroclastic density currents (PDC) o uson.

Nakapagtala rin ang ahensya ng apat na volcanic earthquakes, kasabay ng patuloy na pagbuga ng lava dome at lava flow.

Bagama’t bahagyang natatakpan ng makapal na ulap ang bulkan, nananatiling visible ang crater glow at patuloy ang pamamaga ng estruktura nito.

Batay sa ulat noong Enero 31, umabot sa 4,079 tonelada kada araw ang sulfur dioxide na ibinubuga ng Mayon.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa banta ng biglaang phreatic explosions, rockfalls, at lahar lalo na tuwing may malakas na ulan, nananatili ang bulkan sa ilalim ng Alert Level 3.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglapit sa Extended Danger Zone (EDZ).

Pinag-iingat din ang aviation sector at ipinagbabawal ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa posibleng airborne ash.