Inaasahang makakatulong sa suplay ng langis sa bansa ang desisyon ni businessman Enrique Razon Jr. na bilhin ang SierraCol Energy Limited, ang pinakamalaking independent oil at gas exploration at production company sa Colombia.

Ang kasunduan ay inihayag noong Marso 11, 2026 sa London at inaasahang maisasara ngayong unang quarter ng taon matapos makumpleto ang mga kinakailangang regulatory approvals.

Sa pamamagitan ng kanyang kompanya na Prime Infrastructure Capital, pinalalawak ni Razon ang operasyon sa enerhiya sa labas ng Pilipinas.

Ang SierraCol ay responsable sa humigit-kumulang 10 porsyento ng kabuuang produksiyon ng langis ng Colombia, kaya’t inaasahang magbibigay ito ng alternatibong suplay sa Pilipinas sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan na nagpapataas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Tony Hayward, executive chair ng SierraCol, handa na ang kompanya sa bagong yugto ng paglago kasama ang Prime Infrastructure.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng Carlyle Group, dating may-ari ng SierraCol, napatunayan na isang responsableng operator at mahalagang katuwang ng Ecopetrol, pambansang kompanya ng langis ng Colombia ang SierraCol.

Bagama’t hindi ibinunyag ang halaga ng transaksyon, malinaw na ito ay estratehikong hakbang upang masiguro ang mas matatag na suplay ng enerhiya para sa Pilipinas.

Ang pagpasok ni Razon sa Colombian oil sector ay nakikita bilang isang makabuluhang solusyon upang mapagaan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa enerhiya sa bansa.

Si Razon ang naitalang pinakamayaman sa bansa sa listahan ng Forbes.