
Nagpahayag ng suporta si Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa West Philippine Sea (WPS), sa gitna ng umiinit na palitan ng pahayag sa pagitan nito at ng Chinese Embassy.
Sa isang post sa social media nitong Huwebes, inihayag ni David ang pagsang-ayon sa naunang pahayag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, at iginiit na ang usapin sa West Philippine Sea ay hindi lamang pampulitika.
Aniya, ito ay malalim na usaping moral at pastoral, dahil nakataya ang kabuhayan at kaligtasan ng ating mga kababayan, lalo na ang ating mga mangingisda.
Pinuri rin niya ang 15 senador na lumagda sa isang resolusyon ng Senado na nagpapahayag ng protesta ng bansa laban sa patuloy na umano’y panggigipit at pangha-harass ng China sa karagatan ng Pilipinas.
Bilang tugon, sinabi ni Tarriela sa pamamagitan ng kanyang post sa X na ang mensahe ni Villegas ay nagbibigay sa kanya ng tunay na lakas at inspirasyon habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang makabayang tungkulin sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.










