Pinaghahandaan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Census of Agriculture and Fisheries na gagawin mula September 13 hanggang October 5, ngayong taon sa lambak ng Cagayan.
Ayon kay PSA Regional Director Engr. Girmie Bayucan, ang magiging resulta ng census ay gagamiting basehan ng gobyerno para sa pagbalangkas ng mga programa na may kinalaman sa dalawang mahalagang sektor, ang agrikultura at pangingisda na may layuning maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda.
Ayon naman kay Maryjane Cabautan, supervising statistical specialist ng PSA-RO2 na ang survey na gaganapin ngayong Setyembre ay sa household na ang mga kakapanayamin ay ang mga involved sa agriculture and fisheries.
Isasagawa ang census sa mahigit 400 barangay sa buong rehiyon dos.
Mayroong sample Barangay sa bawat probinsiya na ang makukuhang datos ay magre-represent sa buong rehiyon kung saan ang ilan sa mga napiling barangay ay matatagpuan sa mga malalayong isla ng Calayan at Fuga sa lalawigan ng Cagayan kung saan karamihan sa mga mamamayan ay magsasaka at mangingisda.
Sa ngayon ay nagsasanay na ang nasa 700 enumerators para matiyak na wastong datos o impormasyon ang kanilang makokolekta
Kaugnay nito, umapela ang PSA sa mga respondents na tumugon sa mga katanungan ng mga enumerators sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang datos para maging angkop ang mga polisiya o patakaran na ibababa ng gobyerno para matulungan na maingat ang kanilang pamumuhay.