
Naglabas ang Court of Appeals ng freeze order laban sa mga ari-arian ni Mayor Rene Maglanque at ng kanyang anak na si Macy Maglanque, kaugnay ng imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa umano’y money laundering activities.
Saklaw ng kautusan ng korte ang mga bank accounts, insurance policy, at isang Toyota Land Cruiser na pag-aari ni Mayor Maglanque. Anim na bank accounts naman sa pangalan ni Macy ang isinailalim din sa freeze order.
Ang Globalcrete Builders, isang construction firm kung saan may 98.65 porsiyentong stake si Mayor Maglanque, ang sentro ng imbestigasyon. Nakakuha ang kumpanya ng mahigit P3.4 bilyong kontrata mula 2018 hanggang 2025, ngunit napansin ng AMLC ang mga transaksyong hindi tugma sa karaniwang operasyon ng isang kumpanya.
Mahigit P2.8 bilyong encashments ang naitala sa maikling panahon, malaking pagtaas kumpara sa P702.7 milyon sa nakalipas na pitong taon.
Pinagtutuunan din ng pansin ng AMLC ang mga kompanyang pinamumunuan ni Macy Maglanque kabilang ang MBB Global Properties at dalawang petroleum firms, Fuelteq Petroleum OPC at Globalmacy Petroleum OPC. Ang Fuelteq ay nakaproseso ng P115.5 milyong transaksyon sa kabila ng maliit na kapital, na nagdulot ng hinala ng money laundering.
Batay sa mga imbestigasyon, ginamit umano ang mga kompanyang ito sa “layering,” isang paraan ng money laundering para itago ang pinagmulan ng pera.
Si Mayor Maglanque ay nauna nang nasuspinde dahil sa umano’y maling paggamit ng Malampaya funds at nahaharap sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng paglihis ng ayuda para sa mga nasalanta ng bagyo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa kasong ito.










