Iniimbestigahan na ng Department of Energy (DOE) ang daan-daang reklamo na natanggap nito dahil sa mga serye ng bigtime oil price hike.

Ayon kay DOE Sec. Sharon Garin, kaliwa’t-kanang reklamo na ang natatanggap ng kanilang binuksan na ‘Gas Station Concerns’ feature sa eGovPH sa tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa katunayan aniya, noong nakalipas na linggo, bago pa man naging epektibo ang double-digit price hike, ay halos 100 concerns na ang natanggap ng DOE. Lahat ng ito aniya ay sinuri at iniimbestigahan ng ahensiya.

Sa ilang pagkakataon, mga personnel mismo ng DOE ang nagtungo sa mga inirereklamong istasyon upang magsagawa ng pagsisiyasat habang may ilang pagkakataon ding ang mga pulis na ang nagsagawa ng imbestigasyon.

Simula noon, lalo pang lumobo ang mga reklamo kung saan marami dito ay dahil sa mataas na presyo ng mga produkto na hindi akma sa makatwirang price range.

-- ADVERTISEMENT --

Hanggang sa kalagitnaan ng linggong ito, ayon kay Garin, umabot sa 500 reklamo ang kanilang natanggap at patuloy na inaaksyunan.

Aminado ang kalihim na kulang ang manpower ng DOE para puntahan ang lahat ng mga lugar na may gasolinahang inirereklamo.

Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang ahensiya sa Department of Trade and Industry at law enforcement agencies upang tulungan ang energy department na magsagawa ng beripikasyon sa mga naturang reklamo.

Ang ilan sa mga inirereklamo na unang pinadalhan ng show-cause order, ayon kay Garin, ay nagpadala na rin ng kanilang paliwanag.