Nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay ilang oras matapos ang paglapag ng kaniyang sinakyang eroplano dakong 11:55 ng gabi ng Miyerkules oras sa Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ng ICC, hawak na nila ang dating pangulo matapos na arestuhin ng mga otoridad sa bansa dahil sa madugong paglaban nito laban sa iligal na droga.
Magugunitang noong Pebrero 2025 ng mag-applay ang Office of the Prosecutor ng ICC ng arrest warrant laban sa dating Pangulo para sa crime against humanit of murder, torture at rape.
Ang Chamber na binubuo nina Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc at Judges Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera ang siyang namuno sa pag-aaral sa mga dokumento na isinumite ng prosekusyon.
Napatunayan nila at nakakita ng mabigat na ebidensiya na ang dating Pangulo ay responsable bilang indirect co-perpetrator para sa crime against humanity of murder na nagawa sa bansa mula Nobyembre 1, 2011 hanggag Marso 16, 2019.
Nakakuha rin sila umano ng ebidensiya na pinamunuan ng dating Pangulo ang Davao Death Squad (DDS) na nagresulta sa pagkasawi ng ilang libong residente.
Matapos na mapasakamay na sa ICC ang dating pangulo ay magtatakda na sila ng pagdinig para sa inisyal na pagdalo nito sa korte.
Sa nasabing pagdinig ay kukumpirmahin ng Chamber ang pagkakakilanlan ni Duterte ganun din ang nais na pananalita o lengwahe na nais na gamitin nito sa pagdinig.
Naniniwala din ang Chamber na naintindihan ng dating Pangulo ang krimen na umanoy kaniyang nagawa ganun din ang kaniyagn karapatan sa ilalim ng Rome Statue na siyang founding treaty ng korte.
Pinasalamatan naman ni ICC Registrar Osvaldo Zavala Gileerang ang mga otoridad ng Pilipinas para sa pagpapatupad ng internatioanl accountability mechanism at ang pakikipag-koordinasyon sa The Netherlands.
Una rito, ilang oras bago ang paglapag ng eroplanong flight RP-C5219 ay naglabas ng video message ang dating pangulo kung saan tiniyak nito sa publiko na nasa mabuti ang kalagayan niya at kaniyang haharapin ang mga ipinaparatang sa kaniya.