
Pinangalanan ng International Criminal Court (ICC) sina Ronald dela Rosa at Bong Go bilang mga co-perpetrators sa kasong may kaugnayan sa kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inilabas na Document Containing the Charges (DCC) noong Pebrero 13, 2026, tinukoy si Duterte bilang indirect co-perpetrator sa ilalim ng Article 25(3)(a) ng Rome Statute para sa crimes against humanity, partikular ang murder at attempted murder.
Saklaw ng mga alegasyon ang mga pagpatay mula 2011 hanggang 2019, kabilang ang mga insidente sa Davao City na iniuugnay sa Davao Death Squad at ang mga operasyon sa ilalim ng “war on drugs” noong kanyang administrasyon.
Ayon sa ICC, isinama sina Dela Rosa at Go dahil sa kanilang umano’y papel sa pagpapatupad at pagsuporta sa mga polisiya ng drug war.
Kabilang din sa mga pinangalanan ang ilang dating opisyal ng gabinete at law enforcement, gaya nina Vicente Danao, Camilo Cascolan, Oscar Albayalde, Dante Gierran, Isidro Lapeña, at Vitaliano Aguirre II, pati iba pang matataas na opisyal ng Philippine National Police.
Pag-aaralan pa ng Pre-Trial Chamber ang mga ebidensya upang matukoy kung uusad sa paglilitis ang kaso.
Samantala, hinihintay pa ang pahayag ng mga pinangalanang indibidwal kaugnay ng usapin.









