
Itutuloy pa rin ng Department of Education (DepEd) ang pilot implementation ng revised Senior High School curriculum para sa Grade 12 sa School Year 2026–2027, kahit may pagtutol mula sa ilang stakeholders, ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara.
Ayon kay Angara, bahagi ng hakbang ang pagtugon sa resulta ng Senior High School Literacy Assessment ng Second Congressional Commission kung saan lumabas na 87% o 1.3 milyon sa 1.4 milyong Grade 11 students ang may problema sa reading comprehension.
Sa ilalim ng revised curriculum, hindi na ituturo sa Grade 12 ang ilang asignatura gaya ng Effective Communication, General Mathematics, General Science, Life and Career Skills, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino, dahil naipasa na umano ito sa Grade 11.
Mananatili naman ang 320 hanggang 640 oras ng work immersion para sa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) learners, habang magiging optional ito para sa Academic Track students.
Batay sa DepEd Memorandum No. 036, Series of 2026, inaatasan ang mga opisyal na ipatupad ang bagong kurikulum sa mga Grade 12 students na nakatapos na ng revised Grade 11 subjects sa School Year 2025–2026.










