Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pilipinong nasugatan o malubhang naapektuhan sa nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan kasunod ng mga airstrike ng Amerika at Israel sa Iran.

Ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac, nananatiling ligtas ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga tauhan ng pamahalaan sa rehiyon batay sa huling ulat mula sa mga embahador at labor attaché.

Bilang bahagi ng contingency measures, nakahanda na ang mga pansamantalang matutuluyan, supply ng pagkain, at tubig para sa mga apektadong kababayan.

Mayroon na ring nakalatag na plano para sa ligtas na transportasyon at mabilis na repatriation sakaling lumala ang sitwasyon.

Bukod dito, aktibong tinutugunan ng ahensya ang mga katanungan ng mga pamilya sa Pilipinas, lalo na ang mga naapektuhan ng mga pagkansela ng flight.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nananatiling naka-full alert ang mga embahada ng Pilipinas sa Tehran at Tel Aviv alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng pamahalaan upang masiguro ang proteksyon ng mga Pinoy sa gitna ng tumitinding kaguluhan sa rehiyon.