Plano ng Department of Energy (DOE) na magsagawa ng geological surveys upang tukuyin ang posibleng yamang langis at natural gas sa bansa at mahikayat ang mga mamumuhunan sa indigenous energy exploration.

Ayon kay DOE Undersecretary Felix William Fuentebella, isinasapinal na ng ahensya ang pagkuha ng service provider para sa tinatawag na gradiometric surveys na tutulong sa pagtukoy ng density changes sa ilalim ng lupa na maaaring indikasyon ng energy resources.

Ipinaliwanag ng DOE na ang naturang teknolohiya ay kahalintulad ng X-ray at CT scan na ginagamit upang masuri ang ilalim ng lupa at makakita ng posibleng anomalya na maaaring may kaugnayan sa oil at gas deposits.

Kapag may natukoy na target areas, maaari itong isailalim sa mas detalyadong 3D scanning para sa mas malalim na pagsusuri.

May nakalaang ₱624.72 milyon na budget ngayong taon para sa Philippine Gradiometry and Seismic Survey Project ng DOE.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa ahensya, layunin ng hakbang na palakasin ang datos ng gobyerno upang mapalawak ang energy exploration at investment opportunities sa bansa.